Medical Observer - Information is our Prescription

About Us         Contact Us         Our Services

 

Front-page

Viewpoint

In Focus

Feature

Maternal Health

Interview

CME Calendar

Local
Conventions

Overseas
Conventions

Links to
Medical Societies

 

 

Feature

 

Pagbabago ng Batas ng Komadrona

Pagpapalawak ng tungkulin, pagtataas ng sahod kasama sa mga panukalang pagbabago

 

Ang Republic Act 2644 ang kauna-unahang batas ng mga komadrona na naipasa noong June 18, 1960. Kilala sa taguring Philippine Midwifery Law, ang batas na ito ang naging daan sa pagkakatatag ng Board of Examiners for Midwives.

    Ang Board ay binubuo ng pinuno (isang obstetrician) at dalawang miyembro (isa ay registered nurse-midwife at ang pangalawa ay registered midwife). Mayroon itong kapang-yarihang magtanggal at magsuspinde ng certificate of registration ng mga komadrona dahil sa kapabayaan o kawalan ng abilidad na gampanan ang kanilang tungkulin.

 

    Sa ilalim rin ng RA 2644 itinakda ang Midwives Examination and Registration. Ito rin ang nagpapataw ng parusang pagkabilanggo mula isa hanggang limang taon o multa mula PhP1,000 hanggang PhP5,000 o pareho sa sinumang nagpapraktis ng midwifery na walang certificate of registration mula sa Board.

    Ang mga hilot na nakarehistro sa Department of Health ay pinapayagan ring magpaanak provided they have safely handled 20 delivery cases.

    Ang sakop lamang ng tungkulin ng mga komadrona sa ilalim ng RA 2644 ay ang pangangalaga sa mga normal child-bearing women mula sa pagbubuntis hanggang sa mailuwal nila ang bata, pagpa-paanak, at pagkalinga sa kanilang normal na mga sanggol.

    Kaalinsabay rin nito ay inilabas ang Code of Ethics for Midwives.

    Dahil sa kawalan o kakulangan ng mga doktor at nars sa mga liblib na barangay sa bansa, iminungkahi ng Board of Midwifery at ng Inte-grated Midwives Association of the Philippines (IMAP) na magpanukala ng bagong batas na magpapalawig sa tungkulin ng mga komadrona bilang dispensers of primary health care.

    Noong April 10, 1992, inapruba-han ni dating pangulong Corazon Aquino ang RA 7392 o ang New Midwifery Law of 1992 na nagbago ng ilang probisyon sa RA 2644.

    Sa ilalim ng bagong batas, ang mga komadrona ay pinapayagan nang magsagawa ng ilang treatment modalities na dati rati ay ginagawa lamang ng mga doktor.

    Ang pagbabago ng batas ay ginawa para tugunan ang tungkulin ng mga komadrona na sumagip ng buhay ng ina at sanggol sa gitna ng tumataas na bilang ng maternal deaths.

    Subalit may kahinaan pa rin ang RA 7392 dahil bagamat binanggit dito ang isyu ng hemorrhages, hindi naman tinalakay ang isyu ng hypertension at infections.

    Para lubos na maunawaan ng mga komadrona ang batas na ito, dalawang magkasunod na resolus-yon ang inilabas ng Professional Regulation Commission at ng Board of Midwifery--ang Resolution Number 30, Series of 1992 at ang Resolution Number 100, Series of 1993.

    Ang una ay naglalarawan ng tungkulin at responsibilidad ng mga komadrona bilang tagapagbigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga buntis bago at habang buntis at pagkatapos manganak, sa mga sanggol, at bilang miyembro at lider ng public-health team. Ang pangalawa naman ay naglalahad ng mga bagong batas at regulasyon ukol sa examination, registration, licensure, at practice ng midwifery.

    Sa Resolution No. 100, iniuutos ang pagdadagdag ng mga subject na parasitology, microbiology, at pharmacology sa licensure exami-nations para sa midwife simula taong 1995 at ang pagsa-submit ng certified forms on suturing at paggamit ng intravenous (IV) fluids.

 

Dagdag o bawas?

    Sa ilalim ng RA 7392, pinapa-yagan na ang mga komadrona na magsagawa ng sumusunod:

    o internal examination (IE) sa mga buntis sa panahon ng kanilang labor maliban na lamang kung naunahan na ng pagdurugo,

    o suturing o pagtatahi ng laceration para pigilin ang pagdurugo, at

    o magbigay ng oxytocic drug pagkatapos mailabas ang inunan at IV solution naman kung may obstetrical emergency, provided na sila ay sumailalim sa ganitong pagsasanay.

    Bukod sa pagbibigay ng health education sa pasyente, pamilya at komunidad, kasama na ang nutrition at family planning, puwede na rin silang magturok ng tetanus toxoid sa mga buntis at vitamin K naman sa mga bagong panganak na sanggol.

    Mula sa parusang isa hanggang limang taong pagkabilanggo at multang PhP1,000 hanggang PhP5,000 (RA 2644) para sa sinuman na nagpapraktis ng midwifery na hindi lisensyado at walang certificate of registration mula sa PRC, itinaas ang parusa sa dalawa hanggang pitong taong pagkabilanggo at multang PhP10,000 hanggang PhP30,000 o parehong kaparusahan depende sa diskresyon ng korte (RA 7392).

    Mas mahigpit ang RA 7392 dahil nire-require dito na ang isang nurse-midwife examinee ay dapat naka-pagpaanak na ng 20 katao bago sumailalim sa midwife examination. Idinagdag din ang family planning, primary health care, at professional growth and development sa subjects na kasali sa examination.


Ano ang latest?

    Iminungkahi kamakailan ng Professional Midwives Officers, Commission on Higher Education, at Board of Midwifery sa Kongreso na muling rebisahin ang RA 7392.

    Ayon kay Patricia Gomez, presidente ng IMAP, ilan sa kanilang rekomendasyon ay ang sumusunod:

    o Isang komadrona ang maupo bilang pinuno ng Board of Midwifery sa halip na isang doktor. Dapat ay nagtapos ito ng master's degree on health and social sciences.

    o Huwag ipaubaya sa pamilya ng nanganak ang pagpapatala ng kapanganakan ng sanggol sa Local Civil Registrar kung siya ay pinaluwal ng isang komadrona.

    o Pagbubuo ng comprehensive midwifery program na nagrerebisa sa career performance at potential ng mga komadrona.

    o Pagpapatuloy ng continuing- professional-education programs para mapataas ang antas ng kanilang kaalaman at kasanayan.

    o Itaas ang minimum base pay ng mga komadrona na nakatalaga sa public-health institutions sa Salary Grade 8 ayon sa isinasaad ng RA 6758.

    o Itaas ang multa sa PhP50,000 hanggang PhP500,000 at parusa sa tatlo hanggang pitong taong pagkabilanggo sa mga ilegal na komadrona.

    Ang proposal ay isinumite ng ma komadrona kay Sen. Mar Roxas at Rep. Imee Marcos (second district, Ilocos Norte).

    Nauna rito, naghain ng panuka-lang batas si Rep. Imee Marcos sa Kongreso, ang House Bill No. 339 (an act amending the Phillippine Midwifery Act of 1992), na naglalayong i-professionalize ang midwifery practice, palakasin ang edukasyon at pagsasanay ng mga komadrona, at pahusayin ang kani-lang standard curriculum at CPE.

    "We submitted our proposal to Sen. (Mar) Roxas and Rep. Marcos. The congresswoman has her own version. She really wanted to help. Hindi niya kasi alam na we have done something already. Sabi niya we will just create a committee or task force to consolidate the two versions. Si senator naman, he vowed to help us in the Senate. He has known the midwives' sentiments ever since he was a congressman," saad ni Gomez.

    Isa sa mga salient feature ng HB 339 ay ang pagpaparusa sa mga abortionists. Sa ilalim ng panuka-lang batas na ito, ang isang komadrona na napatunayang tumulong sa o nagsagawa ng abortion ay puwedeng suspindihin at tanggalan ng lisensya.

    Iginiit din ni Rep. Marcos ang pagpapatupad ng step-ladder curriculum kung saan ang mga undergraduate na midwife ay pwedeng makapagtrabaho bilang midwife assistant o secretary. Ang mga nakatapos naman ng three years training sa Midwifery Education Program ay maaring magtrabaho bilang health workers o physicians' assistant.


Balik-tanaw sa CPE

    Ang Continuing Professional Education program na sinimulang ipatupad ng Philippine Regulation Commission noong 1995 ay naglalayon na mabigyan ng tuluy-tuloy na edukasyon ang mga lisensyadong propesyonal, kabilang na ang mga komadrona, tungkol sa makabagong kaalaman sa kanilang propesyon bunga ng pag-unlad ng siyensya at teknolohiya; mapataas at mapanatili ang kanilang kakayahan na makapaghatid ng serbisyong propesyonal; maiangat sa pinakamataas na antas ang kalidad ng kanilang propesyon; maging globally competitive; at mai-promote ang kapakanan ng publiko.

    Ang isang propesyonal ay kinakailangang sumailalim sa CPE programs bilang kondisyon sa renewal ng kanyang lisensya kada tatlong taon. Kung hindi siya makapag-renew sa loob ng limang taon, siya ay idedeklarang delingkwente sa pamamagitan ng paglalathala nito sa newsletter o dyaryo at tuluyang tatanggalin sa talaan ng mga propesyonal.

    Ipinag-utos rin sa PRC Resolution No. 381, Series of 1995, ang paglikha ng CPE Councils na siyang tutulong sa Professional Regulation Boards na magpatupad ng CPE programs. Ang bawat council ay binubuo ng chair at dalawang miyembro. Tungkulin ng council na tanggapin at aprubahan ang aplikasyon para sa accreditation ng mga CPE provider at i-monitor ang implementasyon ng mga CPE program bawat taon.

    Bahagi rin ng CPE program ng mga komadrona na dumalo sa mga seminar at convention ng Board of Midwifery at IMAP bilang CPE provider nila para alamin kung ano ang bago sa kanilang propesyon--ang uso ngayon, mag-enrol ng mag-enrol. Kung RM ka, kumuha ka ng bachelor's course, specialize in community health, public health o midwifery education, at later mag-MA ka. At kung kaya pa, mag-doctorate ka at gumawa ng sariling curriculum at programa.


Civil-service rules

    Ang mga komadrona na nagtatrabaho sa gobyerno ay nasasakop ng Civil Service Rules na nakapaloob sa Book 5 ng Executive Order No. 292 na mas kilala sa tawag na Code of 1987. Ito ang siyang ginagamit na batayan ng kanilang appointment, sweldo, promosyon, at oras na dapat nilang gugulin sa trabaho.

    Ang Civil Service Rules ay higit na pinalakas ng Magna Carta for Public Health Workers na nagsasaad na ang mga public-health workers, kasama na ang mga komadrona, ay dapat tumanggap ng mga benepisyo katulad ng hazard pay, subsistence allowance, laundry allowance, remote-assignment allowance, at sumailalim sa medical test taun-taon. Para naman sa nakatalaga sa pribadong sektor, ang ginagamit na batayan ay ang Labor Code.

    Sa Ilalim ng Civil Service Code, ang mga empleyado ng gobyerno ay dapat mayroong civil-service eligibility para sila ay maging permanente sa trabaho.

    Subalit ang isang lisensyadong komadrona ay hindi na kailangan pa ng civil-service eligibility (RA 1080) para makapasok siya sa first-level position sa gobyerno na Midwife 1 (salary grade 6). Ang pinakamataas naman na posisyon na pwede niyang maabot ay Midwife 6 (SG 18) depende sa kanyang qualification standard (QS).

     Ayon kay Nelson Acebedo, assistant commissioner ng Civil Service Commission, napakaliit lamang ng suweldo ng Midwife 1. Gustuhin man ng CSC na bigyan sila ng mas mataas na sweldo, nakatali naman ang kanilang kamay dahil ito lamang ang isinasaad ng batas.

    Ayon sa kanya, ang pagtanggap ng mga empleyado sa gobyerno pati na ang kanilang promosyon ay nakasalalay sa kanilang QS. First-level positions lamang ang puwedeng ibigay sa mga nagtapos ng two-year course; second-level positions naman para sa nagtapos ng bachelor's degree; at third-level positions para sa managerial at career executive officers.

    Kung gusto ng mga komadrona na ma-professionalize ang kanilang hanay sa gobyerno, dapat muna nilang iangat ang antas ng kanilang edukasyon, ayon kay Acebedo. Dagdag pa niya, mayroong Local Scholarship Program (LSP) ang CSC sa ngayon na nagbibigay ng libreng matrikula at book allowance para sa mga kawani ng gobyerno, kasama na ang mga komadrona, na gustong makatapos ng bachelor's at master's degrees.

    Nangako ang CSC na pagkata-pos nito, ang ahensya ay muling kikilos para tugunan ang panganga-ilangan ng mga komadrona na maiangat ang kanilang sweldo at posisyon sa gobyerno tulad ng ibang propesyon.

    Sa ngayon, higit sa 17,000 komadrona ang nakatalaga sa 41,957 barangay sa buong bansa. Idagdag pa rito ang 4,000 na nagtratrabaho sa mga ospital na nasa ilalim ng Department of Health at 500 naman sa Philippine General Hospital. TFM

 

 

Updated last May 03, 2006 , Developed and Maintained by JML Internet Solutions
Best viewed with Microsoft Internet Explorer 5 and up at 800x600 resolution

Notice: The articles in this website are meant for information and education purposes only and are not intended to encourage self-diagnosis and self-medication. Readers should consult their physicians for professional medical advice. 

Copyright © 2006, The Filipino Midwife. All rights reserved.