
Pagpaplano ng pamilya
Papel ng komadrona
Dagdag kaalaman na maaaring ibahagi sa mga nanay at kababaihan para sa tama at ligtas na pagbubuntis.
Hindi natatapos ang papel na ginagampanan ng mga komadrona sa pagpapa-anak.
Para sa maraming ina at buntis na nakatira sa mga liblib na lugar sa bansa--at walang access sa mga doktor--komadrona ang kanilang takbuhan sa sandali ng pangangailangan. Komadrona ang kanilang doktor, nars, tagapayo, at guro.
Mula sa pagdadalantao hang-gang sa panganganak, komadrona ang kanilang kaagapay. Pagkatapos manganak, komadrona pa rin ang tumitingin sa kalusugan ng ina at sanggol. Sila rin ang nagbabakuna kay baby.
Sa karaniwang sakit ng bata tulad ng sinat at ubo, komadrona pa rin ang kanilang sinasangguni.Kung hindi na kaya ng komadrona, saka pa lamang sila tumatakbo sa doktor sa pinakamalapit na bayan.
Komadrona rin ang nagbibigay ng payo sa maraming mga misis para di agad masundan si baby. Tulad ng isang guro, sila ay matiyagang nagpapaliwanag at nagbabahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa tama at ligtas na paraan ng family planning.
Tunay ngang dakila ang mga komadrona at hindi matatawaran ang papel nila sa lipunan.
Ating Alamin
Anu-ano ang iba't-ibang paraan ng family planning?
Kung si misis ay nagnananais na huwag na munang magbuntis pansamantala, kalimitang ipinapayo ang paggamit ng oral contraceptive o pill, IUD (intrauterine device), at condom naman para kay mister. Sa sandaling gusto na nilang muling magka-anak, wala silang gagawin kung hindi ihinto ang paggamit ng nasabing contraceptive method.
Marami pa rin ang gumagamit ng natural methods tulad ng rhythm at withdrawal, pero ayon sa mga experts, hindi ito garantisadong pumipigil sa pagbubuntis.
Doon naman sa marami nang anak at ayaw na talagang masun-dan pa si bunso, ang voluntary surgical contraception ang inire-rekomenda tulad ng vasectomy para sa lalaki at tubal ligation sa babae. Kalimitang inirerekomenda ang tubal ligation sa mga nanay na delikado nang magdalangtao pa.
Ang babae na nagpa-ligate ay hindi na kailan pa magkakaroon ng anak. Samantala, ang vasectomy ay reversible at maaring magpaopera uli ang lalaki kung nais na muling magkaanak.
Ayon kay Dr. Azucena Suplido, obstetrician-gynecologist sa Philippine General Hospital, ang pinakapopular na paraan ng contraception sa buong mundo ay ang female sterilization. Halos tatlo kada sampung babaeng gumagamit ng contraception and sumasailalim sa tubal ligation. Dalawampu't isang porsyento naman ang gumagamit ng IUD at 14 na porsyento ang gumagamit ng pill.
May iba't-ibang uri ng oral contraceptive o pill. Nandiyan ang combined oral contraceptive at progestin-only contraceptive.
Halos 100 milyong babae sa buong mundo ang gumagamit ng combined oral contraceptive. May dalawang uri ito: ang monophasic at multiphasic. Ang monophasic ay nagtataglay ng estrogen at progestin. Halimbawa nito ay Logentral, na kalimitang ginagamit sa mga government health center, Mergelon, Nordette, at Trust. Ang multiphasic naman ay nagtataglay ng tatlong dosage combinations ng estrogen at progestin sa buong cycle. Ito ay tinatawag ring tri-phasic. Halimbawa nito ay Trinordiol at Logynon. Kung dalawa lamang ang dosage combinations ng estrogen at progestin sa buong cycle, ang pill ay tinatawag na bi-phasic. Halimbawa nito ay ang Gracial pill.
Ang pill naman na nagtataglay lamang ng progestin ay ginagamit ng mga nagpapasusong ina at mga babae na hindi kayang i-tolerate ang epekto ng progestin. Halimbawa nito ay Exluton.
Sa Pilipinas, pill ang pinakapopular na paraan ng kontrasepsyon--31 porsiyento ng mga babae ang gumagamit nito na sinusundan ng tubal ligation.
Pamilyar rin sa bansa ang paggamit ng progestin injectables. Ito ay may dalawang formulations: ang depomedroxyprogesteron acetate (halimbawa ang Depoprovera at Depotrus 150 mg na itinuturok sa mga babae every three months) at norephisterone emanate o Neten (halimbawa nito ay ang Neristat na iniiineksyon intramusculary kada dalawang buwan.
Ang combined injectable contraceptive ay nagtataglay ng progestin at estrogen at may dalawang formulations: ang una ay may 25-mg medroxyprogesterone acetate at 5-mg estradiol-cipionate at ibinibigay intramuscularly kada buwan. Halimbawa nito ay ang Cyclofemme, Cycloprovera, at Lunel. Ang pangalawa ay nagtataglay ng 50-mg medroxyprogesterone acetate at 5-mg estradiol valerate na binibigay rin kada buwan. Halimbawa nito ay ang Misigyna.
Ayon kay Dr. Suplido, popular na rin ngayon ang paggamit ng subdermal implants na Norplant I at Norplant II.
Ang una ay binubuo ng anim na kapsula at naglalabas ng progestin at 30-mg levonorgestrol bawat araw sa loob ng limang taon. Ang pangalawa ay tinatawag ring Diadel at may dalawang rods na naglalabas ng levenorgestrel at epektibo rin hanggang limang taon. Ang pangatlong klase, ang Implanon, ay isa lamang rod at naglalabas rin ng levonorgestrel pero epektibo lamang hanggang tatlong taon.
Sa IUD naman, pinakakaraniwang ginagamit ang T380A. May IUD rin na naglalabas ng progestin, ang Merena, at puwedeng tumagal hanggang limang taon. Ito ay nagpapakapal ng cervical mucus na nakakapigil sa sperm survival.
Isang development sa field ng oral contraceptive ay ang pagpapaliit ng dosage ng hormones sa pill, wika ni Suplido. Ang mga pill ngayon ay nagtataglay lamang ng 30-35 mg ng estrogen at kulang na 1 mg ng progestin hindi katulad ng pills noong 1970s na gumagamit ng 50-75 mg ng estrogen at 10 mg ng progestin.
Ang ultra-low-dose pill tulad ng Mercilon ay nagtataglay lamang ng 20-25 mg estrogen. Babala ni Suplido, ito ay may maliit na tsansang magdulot ng stroke, myocardial infraction, at thromboembolitic diseases.
Mayroon ring tinatawag na emergency contraceptive o morning-after pill. Ito ay iniinom sa loob ng 72 oras matapos ang pagtatalik.
Dagdag ni Dr. Suplido, may apat na bagong contraception options.
Una ay ang estrogen-free ovulation inhibitor. Halimbawa nito ay ang Cerazette pill na nagtataglay ng 75-mg desogestrel. Eto ay ibinibigay sa mga babae na hindi angkop gumamit ng estrogen at mga nagpapasusong ina.
Pangalawa ay ang spironolactone-derived progestin-containing pill tulad ng Yasmin pill na nagtataglay ng drosperidone. Ito ay nakakapigil sa acne, hirsutism, at seboprrhea disorders at nakapagpapapayat sa mga gumagamit.
Pangatlo ay ang Orthoebra, isang transdermal patch na nagtataglay ng 20-mg ethynyl-estradiol at 50-µg norgesterol.
Ang pang-apat ay ang vaginal ring na ipinapasok sa vagina at naglalabas ng 120ug ethanolgestrel at 55 ug desogetrel. Di tulad ng pills, ito ay mas madaling gamitin dahil tumatagal ito sa loob ng tatlong linggo. TFM
Iba't ibang uri ng contraception
Ano at paano gamitin?
o Pill - Iniinom, ang pill ay pumipigil sa ovulation ng isang babae kaya naiiwasan nito ang pagbubuntis.
o Intrauterine device - Ito ay ipinapasok sa uterus ng babae at ang nylon strings na nakadikit dito ay iniiwang naka-extend sa vaginal canal para ma-tsek kung ang IUD ay nasa tamang pwesto. Hindi ito nabubulok at puwedeng tumagal sa loob ng uterus ng walong taon. Dahil sa sobrang lambot at nipis ng sinulid, hindi ito nakakasagabal o nararamdaman ng lalaki sa panahon ng pagtatalik.
o Kondom - Ito ay gawa sa manipis at matibay na latex rubber at isinusuot sa penis ng lalaki bago magtalik ang mag-asawa. Ito ay pang-isahang gamit lamang.
o Tubal ligation - Ang operasyon ay ginagawa ng isang doctor sa loob lamang ng 15 minuto. Pagkatapos, pwede ng umuwi si misis at magpahinga. Pinipigil ng tubal ligation ang pagtatagpo ng itlog ng babae at semilya ng lalaki. Sa halip, ang itlog na nilalabas ng babae sa panahon ng ovulation ay ina-absorb ng katawan.
o Vasectomy - Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng operasyon kung saan ang vas deferens ng lalaki ay pinuputol at itinatali para ang sperm ay hindi humalo sa semen sa sandali ng ejaculation.
o InjectableS - Ito ay itinuturok intramuscularly para mapigilan ang ovulation o paglalabas ng egg cells ng babae at pagkahinog nito o fertilization. Sa unang tatlo hanggang anim na buwan ng paggamit nito, puwedeng magkaroon ng spotting o pangkaraniwang pagdurugo ang isang babae na humihinto rin sa mga susunod na buwan.
o Vaginal ring-Ito ay two inches in diameter, ipinapasok sa vagina at pinatatagal ng tatlong linggo. Sa ikaapat na linggo tinatanggal ito at nakakaranas ng withdrawal bleeding ang babae.
o Transdermal patch-Ang patch ay idinidikit sa tuyong balat sa buttocks, upper arm, upper torso, o lower abdomen linggu-linggo sa loob ng tatlong linggo. Sa ikaapat na linggo kung saan wala ng patch, magkakaroon ng withdrawal bleeding o pagdurugo.
o Subdermal implants-Ito ay capsules o rods na ipinapasok subdermally o bahagya sa ilalim ng balat at kalimitang tumatagal ng mula tatlo hanggang limang taon bago alisin. TFM
|