
Ligtas Buntis
Kampanya para sa pagpaplano ng pamily
Ang Ligtas Buntis 2005 ay isang kampanya ng Department of Health na naglalayon na tugunan ang pangangailangan ng mga nasa reproductive age sa pagpili nang ligtas at tamang paraan ng pagpaplano ng pamilya sa pamamagitan ng pagtuturo at pagbibigay sa kanila ng tamang impormasyon at serbisyong kinakailangan nila.
Kasama sa programa ang pamimigay ng libreng kondom at pills mula sa donasyon ng United States Agency for International Development (USAID).
Ang kampanya ay isang policy na naglalayong lawakan ang agwat ng pag-aanak bilang mahalagang pampublikong serbisyong pang-kalusugan.
Ayon kay dating Health Secretary Manuel Dayrit, na naglunsad ng programa, ang Ligtas Buntis ay magbibigay ng sapat at makato-tohanang impormasyon sa fertility at ligtas at legal na pamamaraan sa family planning para ang mga mag-asawa ay makagawa ng responsableng desisyon ayon sa kanilang paniniwala.
Papel ng komadrona
Malaki ang papel ng mga komadrona sa kampanyang Ligtas Buntis. Sila--kasama ng mga doktor, nars, at iba pang barangay health workers--ang magtuturo at magpa-palaganap ng tama at ligtas na paraan ng family planning sa mga target na barangay at komunidad mula Aparri hanggang Jolo.
Pagkatapos matukoy ang target areas at clients, ilan sa trabaho ng midwives ay ang sumusunod:
o Magbigay ng tamang impormasyon tungkol sa fertility, maternal care, at paraan ng pagpaplano ng pamilya.
o Alamin at suriin kung ang napiling paraan ng mag-asawa ay ligtas at angkop sa kanila.
o Magbigay ng pills, kondom kung merong libre mula sa DOH.
o Magpamigay ng karagdagang materyal at impormasyon tungkol sa family planning.
o I-refer ang mag-asawa sa iba pang angkop na ahensya o serbisyo kung kinakailangan.
o I-monitor kung ang paraang napili ng mag-asawa ay natutupad.
o Mag-uulat sa DOH kung tagumpay o bigo ang kampanya.
Sino ang target?
o Babaeng may edad 15 hanggang 49
o Lalaking may edad na 15 pataas
o Mag-asawang nasa edad ng pag-aanak
o Mga buntis, kapapanganak pa lamang, o kaya ay nakunan
Bahay o klinika?
Ang konsultasyon ay puwedeng gawin sa bahay ng target clients, klinika, one-stop-shop center sa barangay o kumunidad, o ospital.
Sakop ng kampanya
Buong bansa, subalit priority ang sumusunod:
o Urban slums
o 25 percent ng mahihirap na barangay, komunidad, at indigenous communities
o Lugar na nararating lamang sa pamamagitan ng paglalakad ng tatlong oras o mahigit pa, pagsakay sa kabayo o motor
o Lugar na nabibisita lamang ng komadrona o barangay health worker minsan sa tatlong buwan
o Lugar na may problema sa peace and order
o Mga barangay sa isla
Kontrobersyal at imoral raw?
Ang programa ay umani ng matinding pagtuligsa mula sa Simbahan at iba pang grupong prolife dahil diumano ito ay isang desperadong hakbang para pigilin ang lumalaking populasyon ng Pilipinas.
Ayon naman sa Catholic Bishops Conference of the Philippines, ang Ligtas Buntis ay nagpo-promote ng imoral na population policy na humihikayat sa abortion, premarital sex, at promiscuous lifestyle ng mga Filipino na 85 porsiyento ay mga Katoliko.
Para kay Dr. Rene Josef Bullecer, Human Life International-Philippines executive director, ang kampanya ay magreresulta sa pagkalat ng premarital sex at epidemya ng aborsyon dahil "teens would be taught safe sex and other forms of contraceptives."
Depensa ng gobyerno
Sa gitna ng mga kontrobersiyang hinaharap ng Ligtas Buntis, nanatiling matatag ang gobyerno at mga taga-suporta ng programa.
Ayon kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, hindi siya mapipigil sa kanyang population control program kahit na mangahulugan pa eto ng pagkawala ng suporta ng Simbahan sa kanyang administrasyon. Iminungkahi niya na sa halip na batikusin ang programa, makipag-diyalogo ang Simbahan para lubos na maunawaan ang kampanya ng gobyerno.
Para naman kay Dayrit, dahil sa pagbatikos ng Simbahan sa Ligtas Buntis, lalo lamang itong umani ng popularidad. Sa unang dalawang linggo ng kampanya, ang programa ay umabot na sa may 516,906 target couples.
Nakakataba ng puso dahil sa kabila ng mga batikos, tumaas na ang demand for all types of methods--natural, artipisyal, at kahit na 'yung permanent, wika niya.
Payo naman ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, konsensya ang dapat sundin sa pagdedesisyon kung ilang anak ang dapat gawin ng mag-asawa tulad ng ginagawa sa mga bansa sa Europa. Dagdag pa niya, responsible parenthood should be the term, not family planning.
Wika naman ni Dr. Ricardo Gonzales, medical adviser ng Aca-demy for Educational Development at isa sa mga program designer ng Ligtas Buntis, hindi ang relihiyon ang sagabal sa kampanya kundi ang kawalan ng kaalaman at edukasyon ng karamihan sa usapin ng family planning.
Ulat ng ADB
Ayon sa ulat ng Asian Develop-ment Bank, mahigit 5,000 bata ang isinisilang sa ating bansa araw-araw at hindi sapat ang kampanya ng gobyerno para pababain ang 2.36 percent na birth rate sa bansa.
Balik-tanaw
Ang Ligtas Buntis ay inilunsad ng DOH noong Pebrero 21 hanggang Marso kaalinsabay sa pagdiriwang ng International Women's Day noong Marso 8 at Women's Month.
Ayon kay Dayrit, 15,000 health workers ang ikinalat sa buong bansa para lumahok sa programa. Target ng Ligtas Buntis na mabigyan ng serbisyo ang may dalawang milyong katao.
Ulat ng SWS
Maraming Filipino ang naniniwalang ang Ligtas Buntis ay makatutulong sa responsableng pagpaplano ng pamilya, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations.
Sa ulat na inilabas nito para sa huling quarter ng taong 2004, 96 percent ng Filipino adults na sumagot sa survey ang nagsabing ang Ligtas Buntis ay makatutulong sa pangangailangan sa pagpaplano ng pamilya ng mga mag-asawa.
Karamihan sa respondents na nagmula sa tatlong grupo sa Luzon, Visayas, at Mindanao ay nagsabing maganda ang programang Ligtas Buntis.
Sa Visayas, 100 percent ang nagpakita ng pagtitiwala sa kampanya. Ang Class E naman ang nagbigay ng pinakamataas na boto na 97 percent. Ayon pa rin sa survey, 55 percent ang sang-ayong magbayad para sa kanilang napiling family-planning method.
TFM
|