Medical Observer - Information is our Prescription

About Us         Contact Us         Our Services

 

Front-page

Viewpoint

In Focus

Feature

Maternal Health

Interview

CME Calendar

Local
Conventions

Overseas
Conventions

Links to
Medical Societies

 

 

Maternal Health

 

Tulong sa pagbubuntis

Mapupunan ba ng mga vitamin supplement ang kakulangan sa nutrisyon ng mga buntis na Pilipina?

 

Maaaring kumakain ng marami ang mga buntis na Pilipina pero hindi nakatitiyak na wasto at sapat ang nutrisyong nakukuha. Ayon sa resulta ng national survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) noong 2003, tanging niacin at iodine ang husto ang supply sa pagkain ng mga kababaihang nasa edad ng pagbubuntis.

Mababa rin ang nilalamang iron at calcium na parehong mahalaga sa pagbubuntis. Umaabot lamang sa 28.8 porsiyento ng pang-araw-araw na pangangailangan (recommended energy and nutrient intake o RENI) sa iron at 52.3 porsyento sa calcium ang intake ng mga Pilipina. Tinata-yang mababa rin ang intake ng folate dahil sa bumababang pag-konsumo ng mga gulay at prutas. Mahalaga ang folate para maiwa-san ang neural-tube defects (NTD).

    Kaya, isa ngayong usapin ang pagbibigay ng mga mictronutrient supplement sa mga kababaihang buntis o nais magbuntis. Itinuturing itong mas epektibo at matipid na paraan kaysa sa pagbabago ng dietary intake o kaya ay food fortification para mapunan ang kakulangan sa mga micronurient.

    Sa harap ng mataas na insidente ng iron-deficiency anemia sa mga buntis--umaabot ito sa halos 44 porsiyento--sinabi ng FNRI na maaaring palawakin ang national iron-supplementation program.

    Sadyang inererekomenda na ang iron supplementation para sa mga buntis para mapunan ang panga-ngailangan sa hemoglobin. Higit na kailangan ang hemoglobin para sa paglaki ng sanggol sa sinapupunan at sapat na supply ng dugo, oxygen, at pagkain. Kailangan din ito ng ina dahil marami ang nawawalang dugo sa panganganak.

    Sagana ang karne at atay sa iron. Pero dahil hindi karaniwang kinakain ito ng mga buntis, malaki ang tsansa na magkulang sila sa iron. Pero, di ipinapayo ang pag-gamit ng iron supplement sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis dahil sa posibleng masamang epekto nito sa fetal development.

    Gayun din ang vitamin A na kapag labis ay maaaring maging dahilan ng malformation. Ayon sa American Dietetic Association, mataas ang tsansa na magkaroon ng cranial-neural-crest defect ang sanggol kung labis sa 10,000 IU (international units) ang iniinom na vitamin A supplement ng buntis.

    Sa halip, inirerekomenda ang paggamit ng beta-carotene. Hindi nakasasama ang beta-carotene dahil ito ay ginagawang vitamin A ng katawan kung kinakailangan lang. Sagana sa beta-carotene ang maraming prutas at gulay.

    Samantala, inirerekomenda naman ang paggamit ng folic-acid supplement mga dalawang buwan bago magbuntis kasabay ng pagkain ng mga pagkaing sagana sa folate. Base sa pag-aaral ng American Academy of Pediatrics, kalahati ng mga kaso ng NTD ang maiiwasan kung ang mga kababaihan ay gagamit ng folic-acid supplement sa mga unang linggo ng pagbubuntis.

    Ayon kay Dr. Regata Pichay ng Manila Central University Hospital, mabilis ang development ng utak nang nabubuong sanggol sa mga unang araw ng pagbubuntis.

    Kaya sa mga maunlad na bansa, ang mga babae ay inihahanda sa pagbubuntis simula sa kanilang pagkabata. "Kung mapapansin mo, ang kanilang mga produkto tulad ng cereals ay sagana sa folate at iron," sabi ni Dr. Pichay. Iminungkahi niyang pag-aralan ng gobyerno ang iron- at folate-supplementation program para sa mga kabataan.

    Bukod sa iron at folate, kailangan din ng supplementation ng calcium at DHA (decosahexaenoic acid), isang omega-3 essential fatty acid na nakukuha sa mga malalangis na isda. Ang DHA ay mahalaga sa development ng utak at paningin samantalang ang calcium ay kailangan para sa pagbuo ng buto at ngipin ng sanggol. TFM

 

 

Updated last May 03, 2006 , Developed and Maintained by JML Internet Solutions
Best viewed with Microsoft Internet Explorer 5 and up at 800x600 resolution

Notice: The articles in this website are meant for information and education purposes only and are not intended to encourage self-diagnosis and self-medication. Readers should consult their physicians for professional medical advice. 

Copyright © 2006, The Filipino Midwife. All rights reserved.